Nanguna ang Kalinga State University sa pagdiriwang ng Buwan ng Katutubong Pilipino 2024 kasabay ang ika-dalawampu at pitong komemorasyon ng batas " Indigenous Peoples Right Act of 1997” (IPRA) na ginanap sa Ampitheater ngayong ika- tatlumpung araw ng Oktubre.
Ang makasaysayang pagdiriwang ay may temang " Mga Katutubo at Katutubong Dunong: Pahalagahan, Pangalagaan, at Parangalan" na dinaluhan ng mga studyante, guro, at mga opisyal ng unibersidad.
Sa kanyang talumpati, binigyang diin ni Dr. Joy Grace P. Doctor, presidente ng unibersidad, na reponsibilidad ng bawat isa na pahalagahan, pangalagaan at parangalan and mga katutubo at katutubong Dunong, at marapat lamang na balikan at isapusong muli ang mga katutubo at katutubong Dunong. Hinimok rin ng presidente ang mga studyante na maging aktibo at makilahok sa lahat ng aktibidades at patimpalak upang sa ganoon ay maranasan din nila ang pagsayaw ng mga katutubong sayaw.
Isa sa mga makabuluhang parte ng programa ay ang pagsasadula ng proseso ng Bodong o “peace pact” ng Kalinga, na pinangunahan ng Kolehiyo ng Public Administration and Indigenous Governance. Ang mahusay na pagsasadula ay upang maipakita kung paano nagsisimula ang proseso ng Bodong at ang importansya nito sa katutubong Kalinga.
Kinagiliwan naman ng manonood and masayang presentasyon ng mga guro mula sa Laboratory High school.
Parte ng pangalawang programa ay ang patimpalak sa pagluluto at pagkain ng Binungor bilang isa sa mga pinaka-sikat na katutubong lutong ulam ng Kalinga.
Kasunod na patimpalak ay ang pagpapakita ng ibat-ibang katutubong sayaw at pagrampa ng mga katutubong kasuutan ng mga probinsya sa Kordilyera na ipinamalas ng ibat-ibang kolehiyo ng unibersidad.
Ang pagdiriwang na ito ay isang paraan ng pagpapakita ng suporta ng Kalinga State University sa pagpapahalaga at preserbasyon ng ating katutubong kultura at pagpapa-igting ng batas ng Indigenous Peoples Right Act (IPRA) of 1997.